Miyerkules, Agosto 6, 2014


                                   
         

                         Nakakaloka talaga!
                       Hala!Kailangan ba talagang mag-post sa facebook?Nakakahiya!yan ang reaksyon ko matapos i-anunsyo ni mam Mixto ang aming awtput para sa paggawa ng tulang naglalarawan.Sa paggawa ko ng awtput na ito,hiya at takot ang aking naramdaman na baka walang mag like ng video ko.At dahil sa gawain na ito kailangan kung magmakaawa sa mga friends ko sa facebook na i-like ang aking video.Kahit nakakahiya kinapalan ko na lang ang mukha ko para lang dito.Nakakaloka talaga to!

ARALIN 1.4

KAY ESTELLA ZEEHANDELAAR
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo Mula sa Mga Liham ng Isang Prinsesang Javanese Japara, Mayo 25, 1899
Ibig na ibig kong makilala ng isang “babaeng moderno” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.
Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong kanluran.
Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho;t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na hebenerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan. Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon naming. Wala akong iniisip gabi’t araw kindi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon naming. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa king iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumanag tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong was akin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?
Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para sa hangarin ang pagsasarili at kalayaan- isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.
Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala ntio ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sukmibol hanggang sa lumakas at sumigla.
Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo.
Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaunaunahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, sng pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan ditto sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa kahigpitan n gaming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal n gaming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanginglugar na pagtuturong maipagmamalaki ng syudad naming na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.
Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taonng gulang, ako ay itinali sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipag-uganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong banding huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.
Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nagiisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.
Sa wakes, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.
Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang Prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang naming an gaming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinyagan kaming umalis sa bayan naming at pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulang naming ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” nagging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya an gaming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. LAgi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makapamista, o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, mag-aral, hindia para mapailalim sa sinuman, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.
Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang pamilya.
At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang?

Miyerkules, Hulyo 30, 2014

KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan, at   Buhay ng Kinabukasan( ni Pat V. Villafuerte)

             NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,
     isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan
                  gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo
                 gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak
              kaunti man o marami ang mga paang humahakbang
            mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy
                ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.
                  ang bawat paghakbang ay may mararating.
              ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.
        hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan
              paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha
             paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,
                                   pangamba at panganib
                     mula pa sa panahon ng kawalang-malay
               hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,
                                   digmaan at kasarinlan
              at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon
        sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan
             kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,
                    may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo
                                 at tangis ng pamamaalam.
              ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:
                     ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

              NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,
                      binhing nakatanim ang maraming kulturang
                               nag-uumapaw sa ating diwa
                             nagbabanyos sa ating damdamin
                                 nag-aakyat sa ating kaluluwa
                                     sinubok ng maraming taon
                         inalay sa mga bagong sibol ng panahon
              anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian
                                     ang kultura’y pinayayabong
                                   nang may halong sigla at tuwa,
                               nang may kasalong pagsubok at paghamon
                   kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos
                              kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon
                           kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan
                       kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon
                    kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:
              pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa
                   na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay
                              at pinayaman ng makukulay na karanasan
                kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan
                                       ito ang regalo ng kultura
                                         regalo ng kasalukuyan.

                                BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan
                at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan
                             at mananatiling repleksyon ng kabutihan
                           kulturang gagalang sa mga bata’t matanda
                        kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan
                     kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran
                        kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw
                           katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan
                     diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika
                             magkakapantay sa kalayaan at karapatan
                    magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan
                        habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa
                           ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi
                                         ng lahing magiting
                                        ng lahing kapuri-puri
                                         ng lahing marangal.



    Ang tulang ito ay isa sa mga halimbawa ng tulang naglalarawan.Ang tulang naglalarawan ng pagpapahalaga o maaaring pagkamuhi ng makata o may-akda sa isang kalagayan,pook, o pangyayari.
Alamat
       Ang alamat sa ating bansa ay kadalasang tumatalakay sa pinagmulan ng mga bagay-bagay.Tulad ng ibang alamat,ang alamat na isinasalaysay ay parang totoong nangyayari sa isang lugar at panahon.Ang alamat ng bansang Thailand ay isang kwentong dating paniniwalaang totoo,ngunit lumalabas na hindi toto sa paglakad ng panahon.Tulad ng  alamat ng Pilipinas ito rin ay maaaring tungkol sa bayani,santo,sa engkanto,sa mga aswang at iba pa.
 

PAKSA PARA SA ARALIN 1.2:Pang-abay na Pamanahon
       
        Ang pang-abay na pamanahon ay nag-sasaad kung kailan naganap o magagagnap ang kilos na taglay ng pandiwa.

PAMANAHONG MAY PANANDA                              
       Ginagamit ang mga panandang nang, mula, umpisa at hanggang

Mga Halimbawa:
1. Ipinasya ni Prahnbun na hulihin ang prinsesa nang araw ding iyon.
2. Sa araw naglalaro sa sapa ang Kinaree.
3. Noong gabing iyon, nakita ng mangingisda ang bilog na buwan.
4. Kung araw ng paliligo, inaalis ng mga Kinaree ang kanilang mga pakpak.
5. Hanggang ngayon, isinasalaysay pa rin ng mga Thai ang alamat ni Prinsesa Manorah.

PAMANAHONG WALANG PANANDA
       Kabilang ang kahapon, kanina,ngayon, mamaya, bukas at sandali sa mga pang-abay na pamanahon na walang pananda.

Mga halimbawa:
1. Ginanap kahapon ang kasal nina Prisepe Sotun at Prinsesa Manorah.
2. Dadalaw bukas ang hari at reyna sa bagong kasal.
3. Narito ngayon ang mga bisita ng prinsepe at prinsesa.
4. Pupuntahan ni Prahnbun ang ermitanyo mamaya.
5. Hinuli ni Prahnbun ang ermitanyo kanina.

PAMANAHONG NAGSASAAD NG DALAS
       Kabilang dito ang araw-araw, linnggo - linggo, oras-oras, gabi-gabi, taon-taon, atbp.

Mga Halimbawa:
1.Nangangabayo ang prinsepe sa kagubatan araw-araw.
2. Dinadalaw ng prinsepe ang prinsesa oras-oras.
3. Dinadalaw ni Prinsesa Manorah ang kaniyang mga kapatid at magulang
    buwan-buwan. 
4. Nagsasagawa ng meditasyon ang ermitanyo gabi-gabi.
5. Lumuluwas ang magsasaka sa bahay linggo-lingo.

Lunes, Hulyo 28, 2014

ARALIN 1.2                    
                               Alamat ni Prinsesa Manorah
                            (Salin ni: Dr. Romulo N. Peralta)
                  

       Isang alamat na pasalin-salinsa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahonng Ayutthaya at      nagbigay- inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.

        Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesang alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak     na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Janta kinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kani-kanilang pakpak kung kanilang nanaisin. 
        Saloob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot nanilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
        Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon. 
        Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli. 
       Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi saka niya ngermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon nanakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.                Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree. Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun nalamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad- agad nalumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
        Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton nanoo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
        Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
        Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari angbuong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasalpara kina PrinsipeSuton at PrisesaManorah. 
        Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.

                                                   Ang Buwang Hugis-Suklay
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Noong unang panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang asawa na lumuwas sa kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda.


Nagpabili ang kaniyang asawa ng kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na hugis buwan.
Sinabi ng kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala lamang siya sa kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.
Sa araw na iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging hugis-suklay.
Nagsimulang humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi ng paglalakbay, narating niya ang kabayanan.
Agad-agad niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi para sa anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng asawa na dapat bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang niya ang ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.
“Maaari ko po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa mangingisda.
“Hinahanap ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman niya.
“Pampapula ho ba ng labi?”
“Hindi.”
“Pitaka?”
“Hindi rin.”
“Unan?”
“Unan? Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang tugon ng mangingisda. (Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang salitang unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.)
Tumingala ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na siya ring nakita ng mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa mahabang paglalakbay.
“Alam ko na. Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong bilhin mo para sa kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan.
Agad-agad na inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot. Binayaran ito ng mangingisda at lumisan.
Sa kaniyang pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak, ang kaniyang ina at ama.
“Kumuha ka ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.
“Natandaan mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng kaniyang asawa.
Masayang itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng kaniyang binili para sa asawa.
“Wala naman dito ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.
Lumapit ang mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot at inabot sa asawa.
Pinunit ng asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng panghahamak.
Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.
“Bakit ka nagdala ng mia noi? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng asawa.
(Ang mia noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na mas bata sa unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.)
Hinablot ng ina ng lalaki ang salamin at nagwika.
“Nakakadiri ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at nangungulubot pa. Paano mo ito nagagawa?”
Tumayo ang kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at hinablot ang salamin.
“Lolo, tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.” pagalit na sabi ng bata.
“Tingnan ko nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin mula sa bata. “Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng aking patalim.”
Inilapag sa sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.
“Sasaksakin din niya ako!” sigaw ng lolo.
Nang makita ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin at tuluyang nabasag.

“Ngayon ay hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng lolo.

Anim na Sabado ng Beyblade (Bahagi Lamang)
ni Ferdinand Pisigan Jarin

Unang Sabado ng paglabas niya nang hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday,Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw na ito. Dapat pinakamasaya ang Sabadong ito sa lahat ng Sabado. Maraming-maraming laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba sa kaniyang kaarawan. Sa kaniyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.
Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng beyblade kasama ang mga pinsan.
Tatlong araw bago dumating ang ikatlong Sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang beyblade bagamat ayaw niya itong bitiwan sa loob ng kaniyang kamay o di kaya‟y bulsa. Ang nakapagngangalit, unti-unti na namang nalalagas ang kaniyang buhok. Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na kaya ng kaniyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakadudukot na rin siya ng mga matitigas na butil ng dugo sa loob ng kaniyang gilagid.
Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat nang tanungin niya ako ng; “Tay, may peya a?” (Tay, may pera ka?) Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang mayroon itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kaniyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalanggam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na
mga kendi sa aming kinaupuan.
Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong Sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kaniyang muling pagkairita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo nang walang bayad. Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kaniyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.
Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak  pagsapit ng ikaapat na Sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kaniyang pagsasalita. Kaya kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na helicopter na tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga nang humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.
Huling Sabado ng Pebrero ang ikalimang Sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kaniyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang kaniyang huling hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino.
“Sige na, Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.”
Ikaanim na Sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling Sabado na masisilayan siya ng mga nagmamahal. Wala na ang beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pagaaralang tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.




       ~Ang katangian ng ama ni Rebo ay taliwas sa ugali ng ama ni Mui Mui dahil patuloy parin nitong inalagaan si Rebo hanggang sa huling hininga nito.Ang  dalawang kwento ay halimbawa ng kwentong makabanghay na kung saan binigyang diin ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari.Sa tulong ng pangatnig at  transitional devices napagsunod-sunod ang mga pangyayari sa kwentong Ang Ama at Anim na Sabado ng Beyblade.~

     

               Pangatnig at Transitional Devices
Ang mga pangatnig at transitional devices ay ginagamit sa pag-uugnay-ugnay ng mga pangungusap at sugnay. Pangatnig ang tawag sa mga salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala o sugnay, at transitional devices naman ang tawag sa mga kataga na nag-uugnay sa pagsusunod-sunod ng mga pangyayari, (naratibo) at paglilista ng mga ideya, pangyayari at iba pa sa paglalahad.
Mga Tungkuling Ginagampanan ng Pangatnig at Transitional Devices:
1. Naghuhudyat o nagsesenyas ng pagkasunod-sunod ng mga pangyayari o gawain - sumunod, pagkatapos, una, saka
at pati.
Hal. Unang dumating ang mga binata, sumunod ang mga dalaga, pagkatapos ang mga bata.
2. Pagbabagong-lahad - sa ibang salita,
sa madaling sabi, sa biglang sabi, sa katagang sabi, sa tahasang sabi, sa kabilang dako
Hal. Si Gng. Masambong ay isang babaing mapagkawanggawa sa mahihirap at laging
Handang tumulong sa nangangailangan. Sa madaling salita, bukas-palad siya sa mga mahihirap.
3. Pagtitiyak - tulad ni, tulad ng, katulad, gaya, sumusunod, kahalintulad
Hal. Maraming magagandang lugar na maaring puntahan ng mga turista, tulad ng Boracay, Baguio, Tagaytay at iba pa.
4. Paglalahat - bilang pagtatapos, bilang pagwawakas, sa wakas, sa di kawasa, anupat
Hal. Bilang pagtatapos, hinahamon ko kayong kabataan na tumulong sa paglilinis at pagpapaganda ng pamayanan.
5. Panandang naghuhudyat ng pananaw ng nagsasalita o sumusulat - sa aking palagay/
opinyon, bagaman, subalit
Hal. Sa aking palagay, makakapasa ako sa pagsusulit sapagkat nag-aral akong mabuti kagabi.
6. Pagsalungat - ngunit, datapwat, subalit, samantala at iba pa.
Hal. Umuunlad nga ang agham at teknolohiya ngunit nawawala naman ang magagandang kulturang minana natin sa ating mga ninuno.
7. Pananhi - kaya, dahil sa, sapagkat
Hal. Dahil sa sobrang traffic hindi ako nakadalo sa miting namin.

Linggo, Hulyo 27, 2014

                                                       ANG AMA
                                       Salin ni Mauro R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isang lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa'y inuuwi ng ama - malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kaniyang parte ang lahat - kahit ito'y sansubo lang ng masarap na pagkain , sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.

Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina, upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan. 

Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito - sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila'y masayang nakiupo sa kanila't kumain ng kaunti.

Pero hindi na naulit ang masayang okasyong ito, at ngayo'y hindi nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya'y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo'y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ng ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tali sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata'y magsisiksikan, takot na anumang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya't mahihiya itong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa at malakas na bulalas na pag-ungol mula sa kanilang ama at sila'y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.

Kapag umuuwi ang ama ng mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila'y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong pauli-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tunatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, namamaluktot ng pahiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito'y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon huminto, ito'y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon ng buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan. 

Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahaabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayung binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.

Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di'y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.

Ngayo'y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya't madalamhati siyang nagtatawag, "Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!" Nakita niya ito sa libingan sa tabi ng gulod - payat, maputla, at napakaliit - at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba'y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, "Maaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata".

Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman ito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kayo pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer. 

Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba'y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit;. Nagtaka ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki'y biskwit; nakakita na siyang maraming kahon tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, 'yong katulad ng minsa'y ibinigay nila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng nanay. Ang kambal ay nagkasiya sa pangdidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya't nagtalo at nanghula ang mga bata. Takot na hipuin ang yaman na walang senyas sa ama. Inip silang lumabas ito ng kanyang kwarto. 

Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na wari'y kanila na sana, nagbulingan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. "Tingnan natin kung saan siya pupunta." Nagpumilit na sumama ang kambal at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa baha, pero ngayo'y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna. 

Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ng puntod na kaniyang hinintuan. Lumuhod at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-dahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, "Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana'y tanggapin mo." Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasid sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anumang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kanina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.



~ Ang kwentong "Ang Ama" ay tungkol sa pagiging iresponsable ,pagiging makasarili at pagmamalupit  ng tatay ni Mui Mui. Sa pagkamatay ni Mui Mui nagsisi ang kanilang ama at nagbigay daan ito upang magbago ang kanilang ama.Ang aral na mapupulot sa kwentong ito ay maging responsable tayo sa ating tungkulin,mahalin natin ang ating pamilya at nasa huli ang pagsisisi.~